Maligayang Araw ng Edukasyon, mga kaibigan! Ang araw na ito (ika-24 ng Enero) ay ang araw na itinakda ng United Nations General Assembly para ang sitwasyon ng edukasyon sa mundo ay mapag-usapan, mapagtagumpayan, at maipagdiriwang. Ang tema ngayong taon ay ang tungkulin ng edukasyon sa paghuhubog ng kakayahan ng tao, pag-iingat ng mundo, paghahati sa kasaganaan, at pagsusulong ng kapayapaan. Upang wastong mabigyan ng dangal ang araw na ito, simulan nating ilahad ang mga datos kaugnay rito.
Ayon sa datos ng United Nations, bagama’t 91% na ang nakakatanggap ng elementaryang edukasyon sa mga papaunlad na bansa, ay may bilang pa rin na 57 milyon pa ring mga bata ang mga nananatiling walang kaparehas na oportunidad. Humigit-kumulang 28.5 milyon sa mga batang hindi nakakapag-aral ay sa sub-Saharan Africa naninirahan. Humigit kumulang 28.5 milyon ding mga kabataan na hindi nakakapag-aral ay naninirahan sa mga lugar na maraming karahasan. Ipinapakita lamang ng mga datos na ito na marami pang kailangang gawin at mangyari upang ang bilang na ito ay ating mapababa at sa kalauna’y, matanggal na.
Sa aking karanasan bilang mag-aaral, guro, at kabahagi ng bayan, aking natuklasan na isa sa makabuluhang paraan na maaari nating gawin upang makapag-ambag sa misyon ng edukasyon ay ang pakikiisa sa mga grupo at gawain na kasalukuyan nang tumutugon dito. Kaya naman kung isa ka sa tulad ko noon na gustong magkaroon ng panimula sa paghanap ng tungkuling maaaring gampanan kaugnay dito, ang dalangin ko ay mahikayat ka na sumali sa kahit isa sa mga ito. Paalala lamang na pawang personal na mga opinyon at rekomendasyon ang mga nakasaad sa mga sumusunod dahil ito’y batay sa aking sariling karanasan at pag-unawa.
- IShift PH
- Sino sila? Ang IShift Philippines (IShift PH) ay isang non-government at non-profit na grupong kinabibilangan ng mga kabataang lider at propesyunal na naglalayon na magsulong ng maunlad na pagbabago, malawakang pakikilahok, at pagbuo ng mga makabagong paraan ng pagtulong sa komunidad sa pamamagitan ng magkakasunod na mga proyektong pangkomunidad.
- Anong pwede kong maging ambag kasama nila? Ang pangunahing mga proyekto nila na may kaugnayan sa edukasyon ay ang proyektong “Bangon” na tumutugon sa mga kasalukuyang pangangailangan sa kagamitang pagkatuto ng piling mga pampublikong eskwelahan. Kung magiging volunteer ka rito, mapapabilang ka sa pangkat na bibisita sa eskwelahan na makikibahagi sa programa ng pagpapaabot ng donasyon. Sa aking karanasan, kami ay nakipagkwentuhan, nagpalaro, at nagpaliwanag ng proyektong ito sa mga bata. Ngayong 2020, maaaring alamin ang ilan pa sa mga proyektong tulad ng “Buklat” at “Lakbayan” dito.
- Paano sumali? Pwede kang pumunta sa pahinang ito kung nais mong higit pang malaman ang katangiang hanap nila sa mga nais maging myembro at kung gusto mo ring malaman ang proseso ng pagiging kabilang sa grupo.
- BataPH
- Sino sila? Ang BataPH ay grupo na naglalayong makapagpalaganap ng positibong pananaw at makapaghubog ng mga bata na maabot ang kanilang kabuuang potensyal. Upang maabot ang layuning mahubog nang balanse ang bata sa bawat aspeto ng kanyang pagkatao, nag-oorganisa ang grupong ito ng mga usapin sa pagitan ng mga bata at ilang mga maalam na indibidwal ayon sa mga paksang positibo, nakakahikayat, at nakakapagbigay kaalaman na hindi karaniwang napag-uusapan sa mga silid-aralan o kahit sa kanilang mga tahanan dahil sa magkakaibang rason.
- Anong pwede kong maging ambag kasama nila? Dahil ang mga programa ng grupong ito ay karaniwang mga kaganapang pakikipagkwentuhan at bahagian, madalas ang mga volunteers na kailangan ay mga taong maalam sa kahit isa sa sampung mga pangunahing paksa na tinatalakay. May mga pagkakataon ding mag-volunteer bilang kasamahan sa pagpapatakbo ng programa tulad ng pag-facilitate, pag-document, at iba pang pangangailangan sa partikular na kaganapan. Batay sa aking karanasan, nabigyan ako ng tungkulin bilang lead operations officer na kabahagi sa mga pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang mga organisasyon na maaaring mapaglingkuran o maging kapares sa mga proyekto.
- Paano sumali? Maaaring umabot sa grupong ito sa pamamagitan ng pag-message dito sa kanilang pahina. Maaari ring makipag-ugnayang direkta sa mga impormasyon na ito. Kung ikaw ay nakatira sa bahagi ng South Metro Manila, maaari ka ring dumiretso sa pakikipag-ugnayan sa akin dito.
- Teach for the Philippines
- Sino sila? Ang Teach for the Philippines ay isang for-purpose at non-profit na organisasyon na naglalayong ang lahat ng kabataan Pilipino ay magkaroon ng pangkalahatan, naaayon, at mahusay na edukasyon. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng paghuhubog ng mga taong maninilbihan ng dalawang taon sa isang pampublikong paaralan na sa kalaunan ay magiging sama-samang tagapagtaguyod ng pagpapaunlad sa kabuuang sistema ng pampublikong paaralan ng Pilipinas.
- Anong pwede kong maging ambag kasama nila? Maninilbihan ka bilang isang public school teacher sa isang pampublikong paaralan sa Pilipinas – alinman sa Luzon, Visayas, o Mindanao. Batay sa aking karanasan, ang mga paraan na pwede kang manilbihan bilang isang teacher fellow ay maaaring pagiging subject teacher, class adviser, reading remedial teacher, extra-curricular clubs coach, at iba pa. Mayaman din ang pagkakataon na kilalanin at makipagtulungan sa principal, mga guro, mga magulang, at iba pang bahagi ng komunidad para gumawa ng proyektong naaayon at mayayakap ng komunidad. Ilan sa mga karanasan ko sa pagtuturo ay maaring basahin dito. Isang halimbawa naman ng proyektong resulta ng pakikipagtulungan sa komunidad ay maaaring alamin dito.
- Paano sumali? Maaaring pumunta sa kanilang website at alamin ang higit pang impormasyon sa kanilang programa. Pwede mo ring bisitahin ang kanilang pahina sa Facebook dito.
~
Naniniwala akong ang bawat isa sa atin ay may kakayanan at tungkulin para magpasalamat pabalik sa bayan at mundong humubog sa atin. Hindi natatapos ang mga paraan na maaaring makapagsilbi bukod pa sa pag-aabot ng donasyon, pag-oorganisa ng mga proyekto, o maging pagtuturo sa paaralan. Wala ring iisang paraan para manilbihan kaugnay sa edukasyon. Ang tiyak lang para sa akin ay may iisang natatanging ambag na ang bawat isa lamang sa atin ang maaaring makapaghandog sa partikular na komunidad na kinabibilangan, karanasang mga pinagdaanan, at mga pagkakataong maaaring buksan para sa iba. Sabik akong mas marami pa sana ang mahikayat makibahagi dahil sa huli, naniniwala akong ang lahat ng pag-unlad sa edukasyon ay pag-unlad ng bawat bata, bawat bayan, at ng ating iisang mundo. ❤️
Tamang tama! Naghahanap din ako ng pwede kong salihan. Pag-iisipin ko tong tatlo 😁 Salamat dito!
LikeLiked by 1 person
Walang anuman!!! Huhuhu kwentuhan mo ‘ko ‘te kung may isa dito o kung may iba ka pang kabilangan. Team up tayo either way. 🤓✊
LikeLiked by 1 person